Filipino Jesuits Literary Blog

Thursday, September 22, 2005

Hiram na Kamera

huhulihin ko sa aking kamera
ang kariktan ng papanaw na araw,
o ang hamog sa mga dahong
nanginginig sa halumigmig ng umaga

o ng mga sanga ng punong balete
at ng mga pabong naglilimayon
sa katanghaliang tapat

sa isang kuwadrong larawan
ay ikukulong ko ang iyong masasaya’t
magagandang ala-ala
tulad ng mga alon sa luntiang parang
o ng mga tuktok ng matatayog na bundok

pilit kong isisiksik pati ang halakhak
ng mga batang lansangan
o ang palahaw ng isang inang
nalunuran ng tatlong anak

sa isang ritratong parisukat
ay pagkakasyahin
pati ang mga bituing walang humpay
sa paghagikgik
at ng ulang madalang pa ang pagdating
sa matuling pag-alis

sisikapin kong masulyapan
ang nakahihindik mong kagandahan
kahit na itong aking kamera
ay isang hiram lamang

ni Sch. Weng Bava, SJ

0 Comments:

Post a Comment

<< Home