Filipino Jesuits Literary Blog

Friday, September 23, 2005

Libingan ng Pagnanasang Banal

ang sabi nila
libingan daw ito ng
mga pagnanasang banal
ang huling hantungan
ng mga sagradong
paghahangad
kung saan humihinto
sa pagtibok ang dating
maaalab na puso
at humuhupa ang bugso
ng damdaming noong una’y
parang sigwang
nagmamayabang
(para bang kayang sumagupa
sa anumang bundukin
hahara-hara sa daraanan)
nagiging sinlamig ng
kapeng hindi na nagawang
ubusin man lamang

kaya pala
maraming multong
walang habas ang
pagpaparamdam –
umuusal ng mga piping
dasal at yumuyukod
sa taginting ng batingaw
sa pag-oorasyon
naglalakad ang ilan
na sukbit ang rosaryo
sa kamay
at sa hapag nama’y
ang ila’y ngingisi-ngisi
o biglang hahagalpak
ng halakhak
sabay tulo ng laway
at luhang bunga ng galak

ito nga’y libingan
ng mga pagnanasa ng banal

0 Comments:

Post a Comment

<< Home