Filipino Jesuits Literary Blog

Friday, February 24, 2006

Kay Ditas sa Ika-20 Anibersaryo ng Mala-Rebolusyon Nating Pag-ibig

ni Sch. Weng Bava, SJ

Una tayong nagkita sa isang dinispers na rally sa Mendiola
Nanginginig ka at pamura-mura, Lintek na mga pulis ‘yan!
Ang sabi mo, habang pinipiga ang laylayan ng ‘yong kamiseta
Giniginaw ka subalit nag-aapoy ang dibdib mo sa galit

Tapos nagkita na naman tayo doon sa may Welcome Rotonda
Kung saan magtatagpo ang pangkat niyo patungong EDSA
May bigkis ang ‘yong noo at may hawak kang plakard:
Tama na! Sobra na! Palitan na!

Sa ikatlo nating pagtatagpo, humihiyaw at pumapalakpak ka
Nang i-announce ni June Keithley: Marcos has fled the country!
Sumasayaw ka kasama ng mga pari at madre, guro, estudyante
Habang ako sa isang sulok kasama ng mga kargador at mason

At doon nilapitan kita, nagpakilala ako, Efren ang tawag sa akin,
Si Ditas naman ako, ang malumanay mong tugon sa tanong ko
At isang taon nga, matapos ang masusing panliligaw at suyuan
Tutol man ang erpat at ermat mo, isinilang mo si Benigno

Kaya’t taun-taon, tuwing anibersaryo ng EDSA, may date tayo
Namamasyal sa Roxas Boulevard, kumakain sa Tropical Hut
At sa hapon magsisimba, si Cardinal Sin ang naghohomilya
At nagtatalumpati naman si Gng. Pangulo, Corazon Aquino

Itung-ito ang kuwento ng ating pag-ibig at anibersaryo
Gigising tayo ng madaling araw, liliguan ang bata (na naging
dalawa, tatlo, apat, lima), kakain ng almusal-- kape at pandesal
At saka tutulak patungo ng EDSA, para sa ating pagdiriwang

Subalit nang pitong taong gulang na si Benigno, nagdahilan ka
Masakit ‘ka mo ang ‘yong ulo, may sinat si Anton, may ubo si Cito
Kaya’t hindi kayo, wika mo, makakasama sa taunang nating ritwal
‘Di bale na ang sabi ko, baka sa susunod magkakasama muli tayo

Sa pagdating ng walo, siyam, sampu at labing isang anibersaryo
Sunod-sunod ang mga pagdadahilan mo: marami pang labada
Ang naghihintay labhan, darating ang pinsan ng lolang taga Obando
Tatapusin mo ang project ni Bingbing, ipapatuli si Benigno

Samantala sa ikalabin-dalawa, ikatlo at labin-apat, ang sabi mo
Wala namang nababago, maliit pa rin ang ating kwarto, mababa
Ang aking suweldo, bungangera pa rin ang landlady, mahal pa rin
Ang gasul, walang tulo ang gripo, tinitingi ang Nawasa’t Meralco

Nandiyan pa rin ang mga pusakal, na ngayo’y naka-Barong Tagalog
Maitim pa rin ang Ilog Pasig, kasing baho ng Commission on Election
Mababa pa rin ang antas ng edukasyon, baku-bako ang mga daan
Nangongotong ang mga pulis, nagpapabayad ang mga opisyal, Siyet!

Mabuti pa siguro ang namundok ako! Ang minsan mong nabanggit
Sa gitna ng panonood ng balita sa T.V. tungkol sa kung sino
Ang nang-umit ng ganoon at ganito, sino ang may bagong mansyon
Magarang sasakyan, mga seksing kerida, may account sa Switzerland

Noong napilit kitang dumalo sa ikalabinlimang anibersaryo ng EDSA
Nag-walk out ka sa gitna ng pagtatalumpati ng ating pangulo pagkat
Naaalala mo, ang wika mo, ang mga pangakong walang katuparan
Mga tinorture nung Martial Law, squatters na dinemolish sa Tondo

Kaya’t nagpasya kang sa Canada na lang makipagsapalaran
Ako na lang at ang mga bata kung minsan, ang nagpupunta sa EDSA
Si Cito pala, magba-valedictorian yata sa C.P. Garcia at si Bingbing,
First honor naman sa elementarya at si Benigno natin, nurse na sa March

Natanggap mo ba ang first communion picture ni Junjun at ‘yong card
Ni Cito (na may bagsak ng isang subject!), kasama ng liham ko’t pag-aasam
Na sana sa ikadalawampung anibersaryo natin, makauwi ka man lamang
Dahil hindi sapat ang text lamang, para sabihing, Happy Anniversary Darling!

Love Efren

2 Comments:

Post a Comment

<< Home