Filipino Jesuits Literary Blog

Monday, December 05, 2005

Kapag Sabsaban ay Iba

(panalangin ng kababagong-alay na lingkod)
ni Fr. Victor R. Baltazar, S.J. aka. Reggie Adviento, S.J.

“lovely lady dressed in blue,
teach me, teach me how to pray;
God was just your little boy,
teach me, teach me what to say...”

Aleng Bughaw, aleng bughaw:
Kapag sabsaban ay iba,
makukuha mo pa kaya’ng
lumimlim sa iyong puso’t
nang mainin ang pagkataong
nililikha na ng Salita?

Harinawa....

Pagkat ‘di dayaming mainit
at haplos na kay lambot
ang saplot naming sa ambot
na ‘tong lipunan sumilang
na sanggol. ‘Di mga pobreng
banayad na pastol ang naunang
dumalaw kundi matapobreng
magbabayad ng sa kahalayang
lagi nang sugarol.

Sa sabsaban naming iba
ay ‘di kamanyang o mira
o ginto ang dala ng iba
rin namang magong nagpunta.
Pera at poder na kahalihalina
ang dala ng anghel dela guardiang
bantay-salakay naman kaha
sa kasisilang na katiwala.
Diyata’t buntong tukso’ng buntala,
sa pusikit na langit ang humila.

Aleng bughaw, aleng bughaw.
Itong gusgusi’y pulutin sana
sa ngumangasab na sabsaban,
ikubli sa halukipkip mong payapa,
at pagkadaka’y uguyin mo’t iduyan
nang ‘di masindak sa kahalayan
yaring bagong silang na kabanalan.

Sacred Heart Novitiate
20 December 1999

Paring Vic is a Jesuit priest temporarily residing in Rome, Italy to pursue doctoral studies in Spiritual Theology at the Pontifical Gregorian University. Writing verse and cooking adobo are two things which keep hismind clear, his heart on fire and his feet on the ground. He also gives retreats and recollections to Jesuits, diocesan priests, religious nuns, seminarians and lay people.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home