Winner of the Christmas Literary Contest
( 3rd PRIZE )
Munting Hari
by Henry Ponce
Sa kadiliman ng gabi, mga tala ay nagniningning
Ngunit katangi-tangi ang isang bituin
Nagdala ng pananabik sa mga pusong nananalangin
Sa isang manunubos na pinangakong darating
Matamlay na gabi ay biglang sumigla
Pagsilang ng munting Hari’y nakamamangha
Daladala Niya’y pag-asa para sa masa
Alay Niya para sa buong madla
Isang munting Hari ngayo’y isinilang na
Walang korona ngunit mga anghel Siya’y sinasamba
Makapangyarihang Diyos na maamo’t mapagkumbaba
Kaligtasan ang dala ng Batang pinagpala
Tanong ng marami, nasaan ang munting Hari
Matatagpuan mo Siya sa sabsaban ngayong gabi
Sa dayaming trono Niya wala Siyang paki
Dalawin mo Siya’t huwag kang mag-atubili.
Ito na ang hinihintay ng mga pusong nalulumbay
Pagsilang ng munting Hari na isa lang ang pakay
Mga tao’y sa kasalanan, hindi mamamatay
Sa pag-ibig sa sangkatauhan, buhay Niya’y iaalay.
0 Comments:
Post a Comment
<< Home