Filipino Jesuits Literary Blog

Tuesday, September 27, 2005

Sanayan Lang Ang Pagpatay

(Para sa sektor nating pumapatay ng tao)

ni Paring Bert Alejo, SJ

Pagpatay ng tao? Sanayan lang 'yan pare.
Parang sa butiki. Sa una siyempre
Ikaw'y nangingimi. Hindi mo masikmurang
Tiradurin o hampasing tulad ng ipis o lamok
Pagkat para bang lagi 'yang nakadapo
Sa noo ng santo sa altar
At tila may tinig na nagsasabing
Bawal bawal bawal 'yang pumatay.
Subalit tulad lang ng maraming bagay
Ang pagpatay ay natututuhan din kung magtitiyaga
Kang makinig sa may higit na karanasan.
Nakuha ko sa tiyuhin ko kung paanong balibagin ng tsinelas
O pilantikin ng lampin ang nakatitig na butiki sa aming kisame
At kapag nalaglag na't nagkikikisay sa sahig
Ay agad ipitin nang hindi makapuslit
Habang dahan-dahang tinitipon ang buong bigat
Sa isang paang nakatingkayad: sabay bagsak.

Magandang pagsasanay ito sapagkat
Hindi mo nakikita, naririnig lamang na lumalangutngot
Ang buo't bungo ng lintik na butiking hindi na makahalutiktik.
(kung sa bagay, kilabot din 'yan sa mga gamu-gamo.)
Nang magtagal-tagal ay naging malikhain na rin
Ang aking mga kamay sa pagdukit ng mata,
Pagbleyd ng paa, pagpisa ng itlog sa loob ng tiyan
Hanggang mamilipit 'yang parang nasa ibabaw ng baga.
O kung panahon ng Pasko't maraming paputok
Maingat kong sinusubuan 'yan ng rebentador
Upang sa pagsabog ay magpaalaman ang nguso at buntot.
(Ang hindi ko lamang maintindihan ay kung bakit
Patuloy pa rin 'yang nadaragdagan.)

Kaya't ang pagpatay ay nakasasawa rin kung minsan.
Mabuti na lamang at nakaluluwag ng loob
Ang pinto at bintanang kahit hindi mo sinasadya
At may paraan ng pagpuksa ng buhay.
Ganyang lang talaga ang pagpatay:
Kung hindi ako ay iba naman ang babanat;
Kung hindi ngayon ay sa iba namang oras.
Subalit ang higit na nagbibigay sa akin ng lakas ng loob
Ay ang malalim nating pagsasamahan:
Habang ako'y pumapatay, kayo nama'y nanonood.

Fr. Albert Alejo, SJ or Paring Bert as he would like himself to be called, started writing poems when he was a novice. His experiences with the urban poor, factory workers, prisoners and the lumads and Muslims are his inspiration for writing poems. He is also an acclaimed author of books on Mindanao, Filipino philosophy and of various articles on the environment and culture. Presently, he is the National Director of Ehem, an anti-corruption advocacy and Director of Mindanawon, a Mindanao-focused NGO and research group. This poem was taken from an anthology of his poems collected and published into a book of the same title.

1 Comments:

  • Fr.Alejo's work is great.
    Were writing a Term paper about this poem hope we could present it well.

    By Anonymous Anonymous, at 12:10 AM  

Post a Comment

<< Home