Filipino Jesuits Literary Blog

Friday, October 21, 2005

Mansanas at Dasal

ni Sch. Weng Bava, SJ

Ang pagtatalop ng mansanas
ay walang iniwan sa pagdarasal
Pinagninilayan ang hugis
at ang kulay bago balatan
(Ang sarili, sinasalamin, sinusuri)
Marahang hinihiwa ng manipis
ang balat
(Tulad ng marahang pag-aantanda)
Paikot ng paikot
(Tulad ng pagsambit ng rosaryo)
Umuulit, nagwawakas, nagsisimula
(patatawarin, mangangako, mambibigo)
Hanggang sa mahubuan ang katawan
(Tuwing magkukumpisal)
at malantad ang maputing laman
at maiitim na buto
(Gaya ng makasalanang taimtim
na nagtitika sa mga kahinaan)
Habang ang halimuyak
ay nanunuot sa balingusngusan
(Tulad ng alingasaw ng pagnanasa
at kasakiman)

At ang bilyong butil, gaano man
katamis o kaasim
ay sa bibig tinutunaw
na para bang pagkakasalang
sa biyaya ng awa, nauupos, nalulusaw

-- May 15, 2003

0 Comments:

Post a Comment

<< Home