Filipino Jesuits Literary Blog

Monday, December 05, 2005

krismastri

ni jason k. dy, sj

pinili't tinipon
mga sangang
bali-bali't
hiwa-hiwalay
mula sa punong
bumagsak
at nawasak
noong bagyong
sa ami'y
sumira't
naminsala.

mga sangang ito'y
pinilit na lamang
ginawang krismastri.

sa malaking
latang yupi,
mga sanga'y
sinisiksik,
pinagpapatungan
ng mga batong
malalaki't maliliit,
at sa berdeng
papel de hapon,
ang lata't
mga bato'y nagkukubli.

kumpol ng
nakatayong sanga,
palamuti'y
ibang-iba:
may kending
nakatali sa sanga,
pero karamihan nito'y
batong hugis-kendi --
nagmimistulang kendi,
mayroon ding
sitserya,
'sang piso lang
ang halaga
ng bawat isa,
nakasabit din
ang mga punit na't
lumang krismas kard,
at may belen pang
ginupit lang
sa diyaryong
pambalot ng
daing
noon pa.

pagsapit ng
pasko
pagmamasdan ko ito
habang
umiinom ng
kapeng mainit
at ngumunguya ng
pandesal
na malamig,
at sana
masulyapan ito
ng mga bituin
sa kalangitan
kahit sandali
man lang.

sa mga taga-erya G4,
sapang palay.
pasko 1998


nailathala ng heights
tomo xlix, bilang. 1, taon 2001

0 Comments:

Post a Comment

<< Home