hapunan sa panahon ng ika-3 linggo ng adbiento
nalanghap ko
sa bawat paghigop
ng mainit na sabaw
ng tinolang manok
ang amoy-bulok na paang
namimilipit sa paglalakad
para maibahagi’t maihatid
ang magandang balita.
ninamnam ko
sa bawat tutong
ng pritong isda’t
ng kaning sinangag
ang kilay-na-walang-pagitan
sa paghahanda’t pag-iisip
ng mahahain bawat kainan
na may kalakip
na di-mapigilang panginginig
ng kamay mai-alay
lamang ang pagkain
na nagbibigay lusog
at buhay.
napawi ang pait
ng ampalayang nabara
sa aking lalamunan
sa pag-inom ng tubig
na malamig
kasabay ang di-napapagod
na ngiti na bumabati,
kumikiliti sa pagitan
ng bawat kuwento,
sa bawat homilya.
nahati sa pira-pirasong
kuwadrado ang tsokolateng
bukol-bukol ng mani’t pasas
sa bawat pagputol
ng kukong nakalimutang gupitin
o sinadyang pinapahaba—
para banal na dugo’t laman
ay mabusising maihati’t maisubo
sa kaluluwang gutom—
para mabigyan lahat
ang mga dilang naglalaway.
nakinig ako
sa kabila ng pamaskong tugtugin
sa lumang radyo
ang ulat ng malabong mata
ukol sa mga plano
ng salu-salo
sa pamantasan
ngayong pasko
na iniulat sa pagitan
ng pagkalmot ng kanyang ulo’t leeg.
nakaupo kaming lahat
sa apat na parihabang hapag-kainan
na ang dulo’y pinagdikit
para makabuo ng malaking kuwadro
na pinapaikutan ng mga luntiang dahong plastik
na may mumunting, nagkakapit-bisig
na mga makulay na ilaw—
umaandap-andap,
kumukurap-kurap,
kumikuti-kutitap,
umaaligid-aligid
sa sabsaban gawa
ng dahong tuyo’t bulak
na sinusulyapan ng kanilang mga mata
sa bawat higop, subo’t nguya
sa biyaya ng kanilang pagtanda.
nakatabi ko
ang mabigat na beywang
na magaang naka-upo
pagkatapos magkuwentong
nakatayo sa koleheyong mag-aaral
ukol sa pagdating
ng tatlong mago,
di-mabilang na pastol at anghel,
isang birhen at kanyang asawa,
isang bituin,
nag-iisang sanggol
sa sabsaban
habang masayang nilalasap nito
ang bawat kutsarita
ng hiniwang hinog na mangga
na nalulunod sa gatas
at tamis.
at nabusog
ako.
ilang araw bago dumating ang pasko 2004
sa pamantasan ng ateneo de zamboanga
Jason Dy, SJ is a first year Theology student. Jason is into graphic design, painting and collage. He is a poet and a fiction writer for children. You may want to look at some of Jason's works featured in his own blog batikbatiknakariktan.blogspot.com. This poem won second place at the Jesuit Christmas Literary Contest last year.